Dahil Linggo ng Wika, nasa wikang Pilipino ang kwento ko ngayon.
Nung isang araw, tinatanong kami ng aking pamangkin ng mga halimbawa ng kasabihan ng mga Pilipino; takdang aralin daw niya. Siempre, pabibo kami ng mga kapatid ko diba? Aba, stock knowledge ata ito! Ha ha!
Sa aming pagbibigay ng mga alam naming kasabihan, di ko napigilang maalala ang mga pagkakataon na “na-apply” ko ang mga ito sa totoong buhay. Hayaan nyo akong ikwento ang iba.
*****
Pag mga bandang -ber months, pag umaalis ako ng bahay papasok sa trabaho, madilim pa. Kaya siempre, kailangang buksan ang headlights. Isang araw, nang papasok ako, meron akong muntik na mabangga na kotse na nago-overtake. Bakit kamo? Hindi ko sya napansin dahil hindi nakabukas ang headlights nya. Aba! Madilim kaya! Di ba nya alam na dapat nakabukas ang headlights nya? Buti sana kung sya lang ang mapapahamak, eh mandadamay pa sya! Dapat sa kanya mag crash course ng pagmamaneho ng alam nya ang ganung kasimpleng bagay! Haay! Ayun, nagdrive ako ng inis na inis. Pagkatapos ng ilang munuto, napansin ko na parang madilim sa harap ko. OMG… nakapatay din pala ang headlights ko. Poink!
Bago mo pansinin ang uling ng iba, ang sariling uling ay pahirin muna.
*****
Exams ng mga bata ngayong linggo. Nung isang iraw, nagkulong ang aking kuya at ang kanyang bunso para magreview. Pagkatapos ng isang oras, lumabas na umiiyak ang aking pamangkin. Sumunod ang kuya ko na galit, “Isang oras na tayo wala ka pang narereview? Dalawa pa lang ang namememorize mo? Hindi pwede yan!” Tinawan ko sya, “Hello, kuya! Alam mo na ngayon kung ano nararamdaman nila Nanay noon ano?” Ha! Ha!
Kung ano ang puno ay syang bunga.*
*****
Nung minsan akong naglinis ng aking cabinet ng mga bag, nilisan ko na din sila. Tinapon ko ang mga basura na asa loob ng mga bag at inisa-isa ko ang mga bulsa para matanggal ang mga dumi. Laking tuwa ko ng makakuha ako ng pera sa ilang bulsa! Wow! Di man kalakihan, nakakatuwa pa din kasi hindi mo inaasahan! Ayun, pinang-merienda namin!
Pag may sinuksok, may madudukot.
*****
Tinanong ako noon ni Wendy kung kailangan ba daw ng college degree para magpatayo ako ng cupcakery. Ako naman, ayaw magsinungaling, “Hmmmm…not really.” Aba, sabi ba naman, “So I don’t have to go to college”? Wais tong bata na to ha. May point. Tinanong muna ako bago ako babagsakan ng ganung bomba. Pero siempre, sabi ko kailangan nya pa rin. “But if all I want is to put up a cupcakery, then I don’t have to go to college! You said so yourself!!!” Aba, aba! Ako ang nanay mo, at pag sinabi kong magco-college ka, magco-college ka. P.E.R.I.O.D. Natahimik na sya. Ha ha!
Matalino man ang matsing, naiisahan din.
*****
O ayan, diba naman talagang akmang akma sa mga nangyari sa akin?
PS. Ginawa ko ang lahat ng aking makakaya para Tagalog ang buong kwento, pero di ko kinaya. May iba pa ring English words na di ko alam ang translation. Paumanhin po. Ha ha!
*Sa totoo lang po, di ako naniniwala dito. Halimbawa na lang po, kahit na ang aking kuya ay, hmmm, “tamad” na estudyante noon, na mukhang namana ng kanyang pangalawang anak, top 1 naman ang kanyang panganay; masipag at matyaga mag-aral eh. Ha ha! Peace Kuya!